Add parallel Print Page Options

Wawasakin ng Diyos ang Moab

15 Ito(A) ang pahayag tungkol sa Moab:

Noong gabing gibain ang Ar,
    gumuho na ang Moab,
noong gabing wasakin ang Kir,
    bumagsak na ang Moab.
Umahon sa mga templo ang mga taga-Dibon,[a]
    upang sa mga burol sila ay manangis;
iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Bawat isa sa kanila'y nagpakalbo
    at nag-ahit ng balbas dahil sa pagdadalamhati.
Lahat ay nagluluksa sa mga lansangan,
    nanaghoy sila sa mga bubungan ng bahay
    at sa mga liwasang-bayan.
Nananaghoy ang Hesbon at ang Eleale,
    dinig hanggang Jahaz ang kanilang iyakan,
nasisindak pati mga mandirigma ng Moab,
    silang mga kawal, ngayo'y naduduwag.
Nahahabag ako sa Moab,
    nagsisitakas ang kanyang mamamayan
    patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglat-selisiya.
Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit,
humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim,
    dahil sa kapahamakang kanilang sinapit.
Natuyo ang mga batis ng Nimrim,
natuyo ang mga damo, natigang ang mga kaparangan,
    walang natirang sariwang halaman.
Kaya itinawid nila sa kabila ng Batis Herabim
    ang lahat nilang kayamanan at ari-arian.
Laganap sa buong Moab ang iyakan,
abot sa Eglaim ang hagulgulan,
    dinig na dinig hanggang sa Beer-elim.
Pumula sa dugo ang mga batis ng Dibon;
    ngunit may iba pang sakunang inihanda ko para sa kanya:
Papatayin ng leon ang lahat ng matitira sa Moab.

16 Mula sa Lunsod ng Sela sa disyerto,
nagpadala ang mga taga-Moab ng mga batang tupa
    bilang regalo sa namamahala sa Jerusalem.
Naghihintay sila sa baybayin ng batis ng Arnon,
    pabalik-balik sa paglalakad na parang mga ibong nabulabog sa kanilang pugad.
Sasabihin nila sa mga taga-Juda:
“Sabihin ninyo sa amin ang aming gagawin;
    at bigyan ng katarungan;
takpan ninyo kami, tulad ng lilim ng punongkahoy
    kapag katanghaliang-tapat,
papagpahingahin ninyo kami
    sa ilalim ng inyong mayayabong na sanga.
Itago ninyo kami sa mga humahabol sa amin;
    kami'y mga takas, huwag ninyo kaming ibigay sa kanila.
Patirahin ninyo kami sa inyong bayan,
    kaming mga pinalayas sa Moab.
Ingatan ninyo kami
    sa nagnanais na pumatay sa amin.”

At lilipas ang pag-uusig,
    mawawala ang mamumuksa,
at aalis ang nananalanta sa lupain.
At dahil sa wagas na pag-ibig, itatatag ang isang trono,
    at uupo doon ang isang hahatol nang tapat;
    magmumula siya sa angkan ni David,
isang tagapamahalang makatarungan,
    at mabilis sa paggawa ng matuwid.

Sasabihin ng mga taga-Juda:
“Nabalitaan namin ang kataasan ng mga taga-Moab,
ang kanilang kasinungalingan at pandaraya,
    ngunit walang saysay ang kanilang kayabangan.”
Kaya tatangisan ng mga taga-Moab ang kanilang lunsod,
    sama-sama silang mananaghoy
dahil sa kanilang paghihirap,
    sa tuwing maaalala nila ang masasarap na pagkain sa Kir-Hareset.
Sisirain ang mga bukiring malapit sa Hesbon,
    at ang mga ubasan sa Sibma,
na pinagkukunan ng alak ng mga pinuno ng mga bansa.
Ubasang abot sa Jazer
    hanggang sa disyerto,
at lampas pa hanggang sa kabila ng dagat.
Kaya tatangisan kong kasama ng Jazer
    ang mga ubasan ng Sibma.
Didiligin ko ng luha ang Hesbon at Eleale
sapagkat wala silang aanihin upang magsaya ang bayan.
10 Maglalaho ang tuwa at kagalakan
    sa kanyang masaganang bukirin.
Titigil ang kasayahan at awitan sa kanyang ubasan.
Wala nang alak na dadaloy sa kanyang pisaan
    at tuluyang matatahimik ang masayang hiyawan.
11 Kaya parang malungkot na himig ng alpa ang aking pagdadalamhati sa sinapit ng Moab.
    Nagdurugo ang puso ko sa sinapit ng Kir-heres.
12 Umahon man ang mga taga-Moab
    sa kanilang mga altar sa mga sagradong burol,
    at magpagod man sila ng pagsamba sa kanilang mga santuwaryo,
wala ring kabuluhan ang kanilang panalangin.

13 Ito ang sabi ni Yahweh noong una tungkol sa Moab. 14 Ngunit ito naman ang sinasabi niya ngayon: “Tatlong taon mula ngayon, malilimas ang malaking kayamanan ng Moab. Sa marami niyang tauhan ay ilan lamang ang matitira at mahihina pa.”

Footnotes

  1. Isaias 15:2 mga taga-Dibon: Sa ibang manuskrito'y mga tao at ang Dibon .

Paparusahan ng Diyos ang Moab

10 Iingatan(A) ni Yahweh ang Bundok ng Zion,
ngunit ang Moab ay tatapakan;
    gaya ng dayaming tinatapak-tapakan sa tambakan ng basura.
11 Sisikapin ng mga taga-Moab na igalaw ang kanilang mga kamay na parang lumalangoy sa tubig.
    Ngunit sila'y bibiguin ng Diyos hanggang sa sila'y lumubog.
12 Ang matataas niyang pader ay iguguho ni Yahweh,
    at dudurugin hanggang maging alabok.

Read full chapter

Ang Pahayag Laban sa Moab

Ito(A) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa Moab: “Sinabi mong ang Juda ay karaniwan lamang, tulad ng ibang bansa. Dahil dito, wawasakin ko ang Beth-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim, ang mga lunsod na ipinagmamalaki mo sa iyong hangganan. 10 Kasama ito ng mga anak ni Ammon na ipapasakop ko sa mga taga-silangan hanggang sa ganap na malimutan ng daigdig. 11 Paparusahan ko rin ang buong Moab. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Read full chapter

Sa Moab

Ganito(A) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Moab,
    kaya sila'y paparusahan ko.
Sinunog nila at pinulbos ang mga buto ng hari ng Edom.
Susunugin ko ang lupain ng Moab;
    tutupukin ko ang mga tanggulan sa Keriot.
Masasawi ang mga taga-Moab sa gitna ng ingay ng labanan,
    sa sigawan ng mga kawal at tunog ng mga trumpeta.
Papatayin ko ang hari ng Moab,
    gayundin ang mga pinuno sa lupaing iyon.”

Read full chapter

“Narinig(A) ko ang pangungutya ng Moab,
    at ang paghamak ng mga Ammonita;
iniinsulto nila ang aking bayan
    at ipinagmamalaking sasakupin ang kanilang lupain.”
Kaya(B) nga't sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
    ang Diyos ng Israel,
“Isinusumpa kong mawawasak ang Moab tulad ng Sodoma,
    at ang Ammon, tulad ng Gomorra.
Ang lupain nila'y mapupuno ng dawag,
    at hindi na ito mapapakinabangan kailanman.
Sasamsaman sila ng mga nakaligtas sa aking bayan,
    at aangkinin ang kanilang lupain.”

10 Ito ang parusa sa kanilang kapalaluan,
    at sa paghamak nila sa bayan ni Yahweh.
11 Sisindakin sila ni Yahweh.
    Pawawalang-kabuluhan niya ang mga diyus-diyosan ng sanlibutan;
at siya ang sasambahin ng lahat ng bansa,
    sa kani-kanilang lupain.

Read full chapter